Hindi palalampasin sa curfew ang mga maagang pumipila sa community pantry.

Tugon ito ng Palasyo sa reklamo ng ilang senior citizen na inisyuhan ng ticket dahil sa paglabag sa curfew.

Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na lahat ng mamamayan ay dapat na sumunod sa ipinaiiral na polisiya dahil para ito sa kaligtasan laban sa COVID-19.

“Ang curfew po ay uniform sa NCR at mga karatig na probinsya. Hindi pupuwedeng maging dahilan yung pagpila sa pantry para magkaroon ng exemption sa curfew,” ani Roque.

Hindi aniya maaaring ikatwiran na kaya lumabas ang mga senior citizen sa dis-oras ng gabi ay dahil sa kanilang pangangailangan.

Pinayuhan ni Roque ang mga organizer ng community pantry na makipag-ugnayan sa mga barangay at sa lokal na pamahalaan para sa kaayusan ng mga nais makakuha ng ayuda.

Maganda aniya ang layunin ng adbokasiya subalit hindi dapat maging dahilan ito para mahawa ang mga tao lalo na kapag dinagsa ang mga community pantry.

“Ang pakiusap natin, yung mga nagtatayo ng community pantries, sana makipag-ugnayan sa mga lokal na pamahalaan. Ang ninanais lang naman po natin, itong bayanihan sa pamamagitan ng community pantry ay maibsan ang kagutuman sa panahon ng pandemya pero ayaw rin natin na ang mga community pantry ay maging dahilan para kumalat ang COVID-19,” dagdag ni Roque.

The post Palasyo: Pumipila sa community pantry, hindi lusot sa curfew first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/palasyo-pumipila-sa-community-pantry-hindi-lusot-sa-curfew/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=palasyo-pumipila-sa-community-pantry-hindi-lusot-sa-curfew)