Inaprubahan ng House Committee on Ways and Means ang tax provisions ng panukala para sa maayos na pag-iimbak ng mga kinakailangang gamot sa panahon ng public health emergency.

Ayon kay Quezon Rep. Angelina Tan sa kasalukuyan ay nakararanas ang bansa ng kakulangan sa suplay ng mga gamot na maaaring gamitin sa mga pasyenteng may COVID-19.

Upang hindi na umano ito maulit, kailangan ang batas na titiyak na mayroong sapat na suplay ng “strategic and critical drugs” ang bansa gayundin ang mga suplay gaya ng Personal Protective Equipment at mechanical ventilators.

Ang panukala ay nauna ng inaprubahan ng House Committee on Health na pinamumuan ni Tan. Dahil mayroon itong tax provision kailangan itong dumaan sa Committee on Ways and Means na pinamumunuan ni Albay Rep. Joey Salceda.

Inaprubahan ng komite ni Salceda ang probisyon na nagbibigay ng exemption sa pagbabayad ng income o donor’s tax sa mga indibidwal o kompanya na magbibigay ng donasyong gamot sa Department of Health (DOH).

Layunin ng panukala na itayo ang Heath Procurement and Stockpiling Bureau sa ilalim ng DOH na mangangasiwa at titiyak na mayroong suplay ng kinakailangang gamot.

Ayon kay Tan ang itatayong bureau rin ang titiyak na maiiwasan na mag-expire ang mga bibilhing gamot.

The post Panukala sa tamang pag-iimbak ng gamot umusad first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/panukala-sa-tamang-pag-iimbak-ng-gamot-umusad/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=panukala-sa-tamang-pag-iimbak-ng-gamot-umusad)