Pinaalalahanan ng Department of Foreign Affairs ang mga Pinoy na isa lang ang opisyal na online appointment system ng gobyerno para sa pagkuha ng pasaporte, at hindi ito sa Facebook o iba pang social media site.

Para makagawa ng passport appointment, saad ng DFA – Office of Consular Affairs sa kanilang payong pampubliko, Abril 24, bumisita sa www.passport.gov.ph/appointment/ .

Dapat anilang alamin muna ang mga abiso mula sa DFA at sa lokal na gobyerno tungkol sa pagpapatupad ng community quarantine at iba pang entry restrictions bago mag-schedule ng appointment.

“Muling nagbibigay paalala ang DFA-OCA na hindi ito gumagamit ng Facebook o anumang social media sites para sa passport appointments,” ayon sa ahensya.

“Gayundin, hindi pinahihintulutan ng DFA ang sinumang tao o kumpanya na mag-alok at tumanggap ng pag-schedule ng passport appointment sa ngalan nito,” dagdag nila.

Ang pagtangkilik anila sa mga hindi lehitimong kumpanya o indibidwal sa pagkuha ng passport appointment ay posibleng magdulot ng problema, tulad ng pekeng appointment o isyu sa passport application, bukod pa sa pagkakaroon ng karagdagang gastusin.

“Muli, hinihikayat ng DFA-OCA ang publiko na huwag tangkilikin ang mga alok mula sa mga indibidwal at kumpanyang ito at gamitin lamang ang lehitimong passport appointment system ng DFA,” saad pa sa advisory.

The post Passport appointment sa Facebook scam – DFA first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/passport-appointment-sa-facebook-scam-dfa/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=passport-appointment-sa-facebook-scam-dfa)