Inilarga na ang Debit-Credit Payment Method ng Philippine Health Insurance Corporation (Philhealth) sa lahat ng high at critical area sa bansa.

Inanunsiyo ng MalacaƱang ang pag-apruba ng Inter-Agency Task Force sa paggamit ng DCPM para mabilis na mabayaran ng Philhealth ang obligasyon sa mga pribadong hospital.

Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na hindi lamang sa NCR plus bubble ipapatupad ang sistema kundi pati na rin sa ibang hospital sa labas ng Metro Manila na maituturing na critical at high risk.

“The Inter-Agency Task Force approved on Thursday, April 22, 2021, the application of the Debit-Credit Payment Method (DCPM) of the Philippine Health Insurance Corporation (Philhealth) in all high risk and critical areas,” ani Roque.

Layunin ng Debit-Credit Payment Method na mapabilis ang pagsasaayos ng bayarin sa mga health care facility ngayong nasa state of public health emergency ang bansa.

Sinabi ni Roque na magiging prayoridad din sa high risk at critical area ang alokasyon ng COVID-19 vaccine, human health resource deployment at iba pang pangangailangang may kinalaman sa COVID-19.

Matatandaang mismong si Pangulong Rodrigo Duterte ang nag-utos sa Philhealth na bayaran agad ang mga obligasyon sa mga pribadong hospital matapos magreklamo ang Private Hospital Association of the Philippines dahil sa mga hindi nababayarang utang sa kanila ng ahensiya.

Sinabi ng asosasyon na mapipilitan silang magbawas ng mga tauhan dahil kinakapos na ang mga ito ng pondo, kaya agad na umaksiyon ang MalacaƱang. (Aileen Taliping)#

The post PhilHealth kinasa debit-credit payment method sa mga COVID hotspot first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/philhealth-kinasa-debit-credit-payment-method-sa-mga-covid-hotspot/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=philhealth-kinasa-debit-credit-payment-method-sa-mga-covid-hotspot)