Patay sa saksak ng kanyang asawa ang isang Pilipina sa Lemon Grove City sa California, Amerika.

Dead on arrival sa ospital ang 30-taong gulang na biktima na kinilalang si Rhian Fantone, isang nurse assistant.

Batay sa report, tumanggap ng tawag ang 911 kaugnay sa isang domestic dispute sa bahay ng mag-asawa.

Agad naman rumesponde ang mga pulis. Bago pa man makarating ang mga ito sa tahanan ng mag-asawa ay naririnig na umano nila ang sigaw ng biktima.

Nang puwersahang pasukin ng otoridad ang bahay ay nakita nila ang biktima na nakahandusay sa sahig at naliligo sa sariling dugo, habang duguan din ang suspek na asawa nito na nakilalang si Jay Barcelon, 31 taong gulang.

Hindi na umabot nang buhay sa pagamutan si Fantone dahil sa tama ng mga saksak sa katawan.

Sumailalim naman sa operasyon ang suspek na kasalukuyang nahaharap sa kasong murder.

Hindi pa inilalabas ng mga imbestigador ang detalye at motibo ng pagpatay ni Barcelon sa kanyang misis.

Ayon sa kanyang mga mahal sa buhay, masayahin at isang mabuting anak at kapatid si Rhona, at nangangarap na maging Registered Nurse sa US.

Naulila ng biktima ang kanyang dalawang anak.

The post Pinay nurse tinodas ng mister sa California first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/pinay-nurse-tinodas-ng-mister-sa-california/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=pinay-nurse-tinodas-ng-mister-sa-california)