Nanawagan si Senador Grace Poe sa Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) na madaliin ang pagbabayad ng reimbursement claim ng mga ospital dahil patuloy ang kanilang pakikipaglaban para maprotektahan at mailigtas ng buhay ng Pilipino sa gitna ng pandemya.

Ginawa ni Poe ang panawagan kasunod ng apela ng Private Hospitals Association of the Philippines Inc. (PHAPI) sa state health insurer na madaliin ang paglabas na kanilang balidong reimbursement claim.

Ayon kay PHAPI president Jose de Grano na umabot na sa P26 bilyon hanggang P28 bilyon nitong Disyembre 2020 ang halaga ng kanilang reimbursement application sa PhilHealth.

Sabi ni Grano, ang naturang halaga ay mula sa 114 hospital-member na nagsumite ng kanilang claim, hiwalay pa dito ang mga private health institution sa labas ng Metro Manila.

“This situation weighs heavily on our medical frontliners, patients, and the most vulnerable among our people. Wag na natin silang pahirapan pa, antagal na nilang nagsasakripisyo at nagtitiis,” sabi ni Poe.

“Our hospitals are already bleeding while our medical frontliners put their lives on the line amid the systemic ills that affect our overall capacity to get back on our feet,” dagdag pa nito.

Ayon kay Poe, kahit ang mga government COVID-19 frontline institution ay nahiharapan ding kumuha ng kanilang reimbursement claim sa PhilHealth dahil sa mga document technicality.

Pinaalalahan pa ng senadora ang pamunuan ng PhilHealth na sa ilalim ng Administrative Order No. 23 na inilabas ng Office of the President noong Pebrero 21, 2020, lahat ng national government agency ay inaatasang bilisan ang pagreporma ng kanilang proseso nang sa gayon ay mawala na ang ‘overregulation’.

“They shall retain only such steps, procedures and requirements as may be necessary to fulfill their legal mandates and policy objectives. All processes in excess, including those which are redundant or burdensome to the public shall be deemed manifestation of overregulation and shall be removed accordingly, ayon pa sa naturang administrative order.

Binigyang-diin pa ni Poe na kahit ang presidente ay inatasan na rin ang PhilHealth na ibigay na ang reimbursement claim ng mga ospital at iba pang health institution sa bansa.

“Buhay ang patuloy na ibinubuwis ng ating mga kababayan sa bawat araw ng pandemya. Walang lugar ang patuloy na panggigipit at pagpapabaya,” sabi ni Poe.

“We must assist our frontline healthcare institutions in the same efficacious way that our people expect them to diligently attend to their patients,” dagdag pa nito.

The post Poe: Mga ospital nahihirapan maningil sa PhilHealth first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/poe-mga-ospital-nahihirapan-maningil-sa-philhealth/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=poe-mga-ospital-nahihirapan-maningil-sa-philhealth)