Pinagpapaliwanag ni Senador Grace Poe ang National Economic and Development Authority (NEDA) at Department of Agriculture (DA) kung paano nila nakuha ang figure para ma-justify ang kanilang rekomendasyon sa pagtaas sa pork tariff at dagdag ang volume sa pork importation.

“Sabi ng NEDA, 95 million will benefit from the reduction in tariffs, 95 million out of 110 million. Ibig sabihin ba nila, 15 million lang ang hindi na nakakayanang bumili ng pork? Ang totoo niyan, mas marami pa ang nagdidildil na lang sa asin kasi hindi na nga makabili ng isda—pork pa kaya,” sabi ni Poe.

Si Poe ay isa sa mga co-author ng Senate Committee of the Whole resolution na humihikayat kay Pangulong Rodrigo Duterte na bawiin ang Executive Order No. 128 na nagbababa sa taripa sa pork import at dagdagan ang minimum access volume sa 350,000 metriko tonelada mula sa kasalukuyang 54,000 MT lamang

Naniniwala ang ilang mga mambabatas at mga expert na ang pagbabawas sa import duty at pagdagdag ng MAV ay hindi makakatulong para mapababa ang presyo ng karne ng baboy sa mga pamilihan.

“Hindi natin alam talaga kung saan nanggagaling itong tariff sa pork… Ewan kung pinag-aaralan talaga nila ‘yung datos,” sabi ni Poe.

Nauna nang sinabi ng mga senador na nabigo ang DA na magbigay ng tama at reliable na datos sa pork shortage kaya’t hindi nila ma-justify ang kanilang rekomendasyon na dagdagan ang MAV.

Ayon kay Poe, kailangan ang suporta ng gobyerno sa sektor ng agrikultura gayundin ang proteksiyon sa local hog industry.

“This is a growth potential if the private sector already had the capability to fulfill our needs for pork and potentially, to export, if not for the African swine fever,” ani Poe.

Sabi ng mga hog raiser, P45 milyon ang gagastusin ng DA sa freezer para sa mga imported na baboy at mas mainam na gamitin na lang itong pambili ng equipment para masuri kung may sakit ba ang mga ipinapasok ng baboy sa bansa.

“Habang tumatakbo ang panahon, mas lalo tayong naaagrabyado. Ito ngang COVID na ito magiging parang flu na, every year may bagong variant. ASF is only one virus and there will be other viruses in the future. This is something well spent if we can spend it for our own labs,” sabi pa ni Poe.

The post Poe sa NEDA: Maraming nagdidildil ng asin first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/poe-sa-neda-maraming-nagdidildil-ng-asin/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=poe-sa-neda-maraming-nagdidildil-ng-asin)