Tinatrabaho na ng mga economic manager ang pagkukunan ng pondo para sa Bayanihan 3 bilang ‘lifeline’ para sa milyun-milyong Pilipino na lubhang naaapektuhan ng pandemya.

Ayon kay Speaker Lord Allan Velasco, ipinaabot sa kanya nina Finance Secretary Carlos Dominguez III at Budget Secretary Wendel Avisado na nasa proseso na sila ng pagtukoy sa mga posibleng pagkukunan ng pondo upang tuluyan nang makausad ang Bayanihan 3 na makatutulong sa pagbangon ang ekonomiya ng bansa mula sa COVID-19 pandemic.

“I am very thankful to Secretary Dominguez and Secretary Avisado for recognizing the importance of Bayanihan 3 in addressing financial gaps to better manage the government’s response to the impact of the pandemic,” ayon sa ipinarating ni Velasco sa mga lider ng political parties at party-list groups sa Kamara sa isinagawang virtual meeting nitong Lunes.

Nakikita umano ng mga economic manager ang kahalagahan ng Bayanihan 3 bilang lifeline ng maraming Filipinong lubhang apektado ng krisis kung kaya´t binigyan ng pagkilala ang panukala.

Umaasa si Velasco na maaprubahan ang Bayanihan 3 bago pa magbalik sesyon ng Kongreso sa Mayo 17.

“We are extremely hopeful for the passage of Bayanihan 3, which is a much-bigger, well-targeted and proportionate stimulus package that would help struggling Filipinos and revive our pandemic-ravaged economy,” ayon kay Velasco.

Naniniwala pa ang House Leader na ang pangatlong bugso ng tulong pinansiyal ay kailangan upang maibsan naman ang paghihirap ng maraming Filipino partikular ang mga nasa low income at matulungan naman ang mga negosyo na makabangon.

Sa ngayon, ay suportado ng 224 miyembro ng Kamara ang panukala na pangunahing iniakda ni Velasco.

The post Pondo para sa Bayanihan 3 surebol na – Velasco first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/pondo-para-sa-bayanihan-3-surebol-na-velasco/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=pondo-para-sa-bayanihan-3-surebol-na-velasco)