Tiwala si Taguig-Pateros Rep. Alan Peter Cayetano na makakahanap ng pondo ang Kamara de Representantes para sa isinusulong nitong P10,000 ayuda sa bawat pamilya kung magpapatawag ng pagdinig.

Ayon kay Cayetano noong Marso 2020 ay nakahanap ang Kamara ng P500 bilyon para pondohan ang Bayanihan 1.

“Ba’t hindi tayo mag-hearing ngayon para hanapin kung nasaan ang pera? Kasi kung March tayo nag-hearing sa Bayanihan 1 nakahanap tayo ng 500 billion sa 2020 Budget, ba’t tayo hindi makakahanap sa 2021 budget eh mas malaki ang 2021 Budget?” tanong ni Cayetano.

Sinabi ni Cayetano na mayroong P207 bilyong halaga ng unobligated fund ang gobyerno hanggang noong Disyembre 2020 bukod pa sa P400 bilyong pondo na natira.

Maaari umano itong gamitin upang mapondohan ang mga proyekto na kailangan upang matugunan ang mga pangangailangan sa paglaban sa pandemya.

Kung hindi umano magpapatawag ng special session, maaari namang magsagawa ng pagdinig ang Kamara upang matalakay ang isyu.

Kumpiyansa rin si Cayetano na ikokonsidera ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kanyang panukala kung mabibigyan ito ng tamang impormasyon at maipakikita kung saan maaaring kunin ang pondo.

“Ang problema nga, sasabihin kong may pondo, tapos ‘yung susunod niyong interbyuhin sasabihing walang pondo. Paano natin malalaman kung sino nagsasabi ng totoo (kung hindi mag-hi-hearing)?” saad ng dating Speaker.

Ipinaalala rin ni Cayetano na kasama sa trabaho ng Kamara ang pagiging oversight o pagbabantay sa mga ahensya ng gobyerno.

“Trabaho ng Kongreso maging OA. OA ay hindi overacting kung hindi oversight at saka maghayag ng alternatibo. ‘Yung oversight, ibig sabihin, binabantayan ‘yung administrasyon, ‘yung mga nangyayari at siguraduhing gamitin ang pera sa tama,” wika pa nito.

The post ‘Pondo para sa P10K ayuda mahahanap kung mag-hearing’ first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/pondo-para-sa-p10k-ayuda-mahahanap-kung-mag-hearing/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=pondo-para-sa-p10k-ayuda-mahahanap-kung-mag-hearing)