Hindi umano maaaring palagpasin na lamang ang ginawa ng mga opisyal ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) sa profiling at red-tagging ng mga community pantry organizer.

Ito ang sinabi ni Deputy Speaker at 1-PACMAN Rep. Michael Romero sa kanyang House Resolution 1729 na nananawagan sa Kamara de Representantes na masusing suriin kung saan gagamitin ang P19.2 bilyong budget ng ahensya ngayong taon.

Sinabi ni Romero na hindi lamang ang publiko ang tumuligsa sa mga aksyon ng NTF-ELCAC kundi maging ang ahensya ng gobyerno gaya ng National Privacy Commission.

“Whereas, the rampant and unlawful profiling and obvious red-tagging of organizers of community pantries to associate them as members of the CPP-NPA and therefore ‘terrorists’ by Lt. General Antonio Parlade Jr. and Communications Undersecretary Lorraine Badoy of the NTF-ELCAC is simply to wicked to be ignored,” sabi ni Romero sa resolusyon.

Hindi umano makatwiran na mag-akusa ng walang sapat na ebidensya dahil lalo lamang nitong pinaghahati-hati ang mga Pilipino sa halip na pag-isahin para magkaroon ng kapayapaan ang bansa.

Ang gag order na ipinalabas ni National Security Adviser Hermogenes Esperon Jr., laban kina Parlade at Badoy ay patunay na nakakasira umano ang mga ito.

“It is a great disservice to the Filipino nation to allow the NTF-ELCAC to proceed with their mandate without a thorough review by Congress, through its legislative oversight function, of how the same office is utilizing its funds,” saad pa ng resolusyon.

Maaari umanong ilipat na lamang ang pondo sa mga proyekto na kailangang-kailangan upang malabanan ang epekto ng pandemya gaya ng pagbibigay ng tulong pinansyal sa mga nawalan ng trabaho, pagkuha ng dagdag na contact tracer at pagdagdag sa bilang ng mga hospital bed.

The post ‘Red-tagging’ ng NTF-ELCAC huwag palampasin – solon first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/red-tagging-ng-ntf-elcac-huwag-palampasin-solon/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=red-tagging-ng-ntf-elcac-huwag-palampasin-solon)