Mabilis na natapos ang iringan sa pagitan nina Cavite Governor Jonvic Remulla at Manila Mayor Isko Moreno dahil sa umanong salat na ayuda para sa mga Manilenyo na lumipat sa bayan ng Naic.

Sa tweet ni Remulla nitong Biyernes, sinabi ng gobernador na bati na sila ni Moreno.

“Guys tigil na. Wala kaming away ni Yorme. Peace na kami so let’s move on,” ayon sa gobernador.

Saad ni Remulla, nagkausap na sila ni Moreno at nagkaintindihan na.

Nag-ugat ang isyu nang punahin ni Moreno si Naic Mayor Jun Dualan dahil hindi nabigyan ng ayuda ang mga dating informal settler mula Manila na inilipat sa Naic.

Hindi ito nagustuhan ni Remulla at giniit na ang pondo para sana sa mga lumipat sa Naic ay napunta pa rin sa Manila dahil ang batayan sa social amelioration program ay nagmula pa sa 2015 census.

Giit ni Remulla, 2019 lang lumipat sa Naic ang mga informal settler.

“Yorme, alam ng lahat ang ambisyon mong maging Pangulo. Wala namang isyu don. Libre mangarap ang kahit sino. Pero sana ay huwag mong tapakan ang iba para lamang umangat ka. Hindi ka pa nga Pangulo ay ang yabang mo na,” saad ng gobernador.

The post Remulla sa ‘away’ kay Moreno: Peace na kami first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/remulla-sa-away-kay-moreno-peace-na-kami/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=remulla-sa-away-kay-moreno-peace-na-kami)