Dapat na tularan ng madla ang pagmamahal ng mga bayani ng Bataan at Corregidor sa kapwa nila Pilipino.

Panawagan ito ni Vice President Leni Robredo ngayong Araw ng Kagitingan 2021.

“Sa araw na ito, ginugunita natin ang kagitingan ng mga Pilipinong sundalong lumaban hanggang sa huli at inialay ang kanilang buhay sa ngalan ng ating bayan at kalayaan,” ani Robredo, Abril 9, patungkol sa mga Pinoy na dinepensahan ang Bataan at Corregidor noong World War 2.

“Sa pag-alala natin sa mga bayani ng Bataan at Corregidor, tinatawag tayong tularan, sa sarili nating paraan, ang kanilang pagmamahal sa kapwa Pilipino, ang kanilang pag-asa maging sa pinakamadilim na sandali, at ang kanilang kahandaang magsakripisyo para sa mas nakararami,” dagdag niya.

Nawa’y magsilbi aniyang paalala ang Araw ng Kagitingan na walang Pinoy na kailangang maging magiting nang mag-isa.

Tiwala rin umano ang Bise na matatalo ng publiko ang mga hamon sa panahon ng pandemyang COVID-19.

“Tulad ng Bataan noon, nababalot tayo ng kadiliman ngayon dahil sa pandemya. Marami na sa atin ang nagsakripisyo, ang nagdusa, ang nawalan. Pero paalala rin ang araw na ito: Walang Pilipinong kailangang maging magiting mag-isa,” sambit ni Robredo.

“Sama-sama tayo. Tulong-tulong tayo. At sa paggabay ng diwa ng mga bayani ng Bataan at Corregidor, tiwala ako: Madadaig natin ang mga hamon ng panahong ito.”

“Makapagtataguyod tayo, tulad ng pinangarap nila noon, ng bansang mas malaya, mas makatarungan, at mas makatao,” wakas niya.

The post Robredo sa mga Pinoy: Sama-sama tayong maging magiting first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/robredo-sa-mga-pinoy-sama-sama-tayong-maging-magiting/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=robredo-sa-mga-pinoy-sama-sama-tayong-maging-magiting)