Namimiligrong maubos sa kalagitnaan ng Mayo ang pondo ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) .

Ito ang inihayag ni Presidential Spokesman Harry Roque dahil sa patuloy na pagdating ng mga OFW na ginagastusan araw -araw sa kanilang quarantine, hotel accomodation, transportasyon, food and meal allowance , kasama na ang cremation at funeral services.

Ayon kay Roque, nasa 1.4 billion pesos na lamang ang natitirang balanse sa pondo ng OWWA kaya hinahanapan na ito ng paraan para madagdagan ang pondo.

“Ang natitirang balanse po as of April 16 sa budget ng OWWA ay 1.4 billion, at ang sabi ng OWWA inaasahan nila na maubos ito by mid-May,” ani Roque.

Pero sinabi ng kalihim na nagbigay na ng commitment si Budget Secretary Wendel Avisado na hahanapan niya ng pondo ang OWWA para mapunan ang kakulangan sa gastusin para sa mas matagal na quarantine ng mga OFW.

“Ang kailangan po ng OWWA na additional ba pondo dahil sa mas matagal na quarantine ay P10.6 million para sa quarantine at hotel facilities,” dagdag ni Roque.

Matatandaang idinaing ni Labor Secretary Silvestre Bello ang matagal na quarantine ng mga OFW sa mga hotel dahil pagdating pa lamang ng ika-anim na araw bago isailalim sa swab test ang mga OFW at dagdag na limang araw na paghihintay bago tuluyang pauwiin sa mga lalawigan kaya lumalaki ang gastos ng mga ito.

The post Roque: Pondo ng OWWA para sa balikbayan baka maubos sa Mayo first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/roque-pondo-ng-owwa-para-sa-balikbayan-baka-maubos-sa-mayo/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=roque-pondo-ng-owwa-para-sa-balikbayan-baka-maubos-sa-mayo)