Lumabas sa isang pag-aaral ng Philippine Institute for Development Studies (PIDS) nitong Marso na may mga kakulangan ang programang health education ng gobyerno, tulad ng pagkakaroon ng sapat na teacher training at learning materials para sa pagtuturo.

Ito ang sinabi ni Senador Sherwin Gatchalian sa kabila ng Republic Act 10354 o Responsible Parenthood and Reproductive Health Act of 2012 (RPRH Law) na nagmamandato ng angkop na reproductive health education sa mga Pinoy.

Para sa senador, dapat tutukan ng Department of Education (DepEd) ang mga kakulangang ito lalo na’t kinatatakutang dumami pa ang bilang ng mga batang ina sa bansa dahil sa lockdown measures bunga ng pandemya.

Kamakailan lang ay iniulat ng Commission on Population and Development (POPCOM) na may mahigit dalawang libo at apat na raang (2,422) sanggol sa Cordillera na ipinanganak mula sa teenage parents noong 2020, mas mataas ng halos limampung (46.43) porsyento mula sa mahigit isang libo at anim na raang (1,654) naitala noong 2019.

Sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA), tumaas ng pitong porsiyento ang bilang ng mga batang inang may edad 15 pababa sa buong bansa noong 2019 kung ikukumpara noong 2018.

Nagpalabas na noon pa lang ang DepEd ng Department Order (DO) 31 s. 2018 upang gabayan ang pagpapatupad ng sexuality education. Ngunit ayon sa pag-aaral ng PIDS, lumalabas na may kakulangan pa rin sa manpower, mga pasilidad, pagsasanay, instructional materials, pakikipag-ugnayan, at sistema ng pag-monitor.

“Lalo nating dapat paigtingin ang pagtugon sa mga kakulangang ito, lalo na’t ang pagdami ng mga batang ina ay isa sa mga nakita nating epekto ng pandemya,” sabi ni Gatchalian.

“Bagama’t ilang taon na ang lumipas simula nang magkaroon tayo ng batas sa Reproductive Health Law at magkaroon ng polisiya ang DepEd sa usapin ng Comprehensive Sexuality Education o CSE, may mga kakulangan pa rin tayong nakikita tulad ng sapat na teacher trainings at learning materials upang maging mas mabisa ang pagtuturo ng CSE sa ating mga paaralan,” dagdag pa ng chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture.

The post Teenage pregnancy habang may pandemya labanan – Gatchalian first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/teenage-pregnancy-habang-may-pandemya-labanan-gatchalian/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=teenage-pregnancy-habang-may-pandemya-labanan-gatchalian)