Gusto rin ni treatment czar at Health Undersecretary Leopoldo Vega na palawigin ang modified enhanced community quarantine (MECQ) sa Metro Manila hanggang Mayo.

Banggit niya, posibleng mawala ang “gains” ng gobyerno, o mga pagluluwag sa healthcare system, na nakamit matapos ang paghihigpit ng quarantine status.

“Sang-ayon ako sa mga Metro Manila mayors na kung pwede, ma-extend muna itong status na ito para ma-preserve natin ang ating mga nakamit sa health capacity,” ani Vega sa isang panayam, Miyerkoles.

“Ang ating nakuhang mga plus factor sa health capacity natin, bago lang natin ‘to nakuha. Siguro, mga third week pa lang tayo nung nabuksan natin ‘yung ganitong number of [hospital] beds.”

“Ngayon, kung bigla kang magbukas, sayang naman, hindi natin ma-preserve yung gains kasi mamaya, baka mahihirapan tayo,” paliwanag niya pa.

Una nang sinabi ni MMDA chair Benhur Abalos na napagkasunduan ng mga alkalde sa Metro Manila na irekomenda sa pambansang gobyerno ang “flexible MECQ” sa rehiyon.

Sa flexible MECQ aniya, mananatili ang mga border control at ang mahigpit na health protocols pero may dagdag na mga negosyo na papayagang magbukas tulad ng mga construction at personal hygiene service.

The post Treatment czar pabor i-extend MECQ first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/treatment-czar-pabor-i-extend-mecq/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=treatment-czar-pabor-i-extend-mecq)