Mas dapat umanong bigyan ng prayoridad ng gobyerno ang pagbibigay ng tulong pinansyal sa mga lubhang naapektuhan ng pandemya kaysa sa National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) na nakatuon ang atensyon sa red-tagging at hindi sa mandato nito.

Ayon kay Deputy Speaker at Manila Rep. Bienvenido Abante maaaring ilipat ang pondo ng NTF-ELCAC sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) at Department of Labor and Employment (DOLE) para maipantulong sa mga pamilyang walang makain at indibidwal na nawalan ng trabaho.

Naghain ng resolusyon si Abante upang mailipat ang P16 bilyong pondo ng NTF-ELCAC para sa barangay development projects.

“Given the gravity of the problems brought about by the COVID-19 pandemic, and in light of the inability of NTF-ELCAC to properly perform its functions, the government should prioritize efforts to provide financial assistance and other forms of support to our countrymen who have no sources of income or have limited means as a result of the pandemic,” sabi ni Abante.

Sinabi ni Abante na nakasentro ang NTF-ELCAC sa pag-red-tag sa mga opisyal ng gobyerno, mamamahayag, non-government organizations, aktibista, abugado, celebrity, educator at pribadong indibidwal.

Kamakailan ay umani ng batikos ang NTF-ELCAC matapos na iugnay ang mga organizer ng community pantry sa rebeldeng grupo.

Ang NTF-ELCAC ay binuo sa ilalim ng Executive Order 80 series of 2018 para magpatupad ng “Whole-of-Nation Approach” bilang tugon sa problema ng paghihimagsik.

“Rather than promote inclusivity, the NTF ELCAC continues to alienate potential allies; rather than encourage the public to support its objectives, it continues to draw its ire; rather than be a light for peace, it continues to be a lightning rod of conflict,” dagdag pa ni Abante.

The post ‘Tulong sa mga apektado ng pandemya unahin kaysa NTF-ELCAC’ first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/tulong-sa-mga-apektado-ng-pandemya-unahin-kaysa-ntf-elcac/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=tulong-sa-mga-apektado-ng-pandemya-unahin-kaysa-ntf-elcac)