Hindi kinaya ng mga residente sa isang subdivision sa Muntinlupa ang binubugang usok ng malapit na public crematorium.

Sa report ng ‘Unang Balita’, nireklamo ng mga residente ng Summitville 2 ang makapal na usok at masangsang na amoy na nanggagaling umano sa crematorium.

Ayon sa Melinda Bartolome Guevara, vice president ng homeowners association ng nasabing subdivision, hindi umano sila nakakahinga at nakakasuka raw ang usok na inilalabas sa lugar.

Hiling ng mga residente na taasan ang chimney para hindi na makasagabal ang usok.

Paliwanag naman ni Muntinlupa Public Information Office head Tess Navarro, iimbestigahan ang hinaing ng mga residente ngunit nilinaw na dini-disinfect ang crematorium at wala itong banta sa kalusugan.

“Wala naman daw po itong banta dahil mayroon namang nilalagay na kemikal doon sa pagsusunog atsaka ito po ay may disinfection, every after ng kini-cremate. Yung sinasabi nilang masangsang na amoy, pinaiimbestigahan pa rin yan,” ayon kay Navarro.

Handa rin ang LGU na taasan ang chimney, ngunit titingnan pa kung maitataas din ang pader na nakaharang sa mga residente.

The post Usok, amoy perwisyo sa mga residente: Crematorium sa Muntinlupa nireklamo first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/usok-amoy-perwisyo-sa-mga-residente-crematorium-sa-muntinlupa-nireklamo/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=usok-amoy-perwisyo-sa-mga-residente-crematorium-sa-muntinlupa-nireklamo)