Muling tiniyak ni Senador Christopher “Bong” Go na maayos ang kalagayan ni Pangulong Rodrigo Duterte sa gitna ng mga haka-haka hinggil sa estado ng kalusugan ng huli.

Paglilinaw pa nito, patuloy na ginagampanan ng pangulo ang kanyang tungkulin at nanatiling nakatutuok sa sitwasyon ng bansa gitna ng COVID-19 crisis.

“Matagal na pong timon ng ating bansa si Pangulong Duterte. Iisa lang ang Pangulo ng ating bansa. Dapat protektahan natin ang seguridad ng ating mahal na Pangulo,” sabi ni Go.

“Sa mga kapwa kong Pilipino na naghahanap kay Pangulong Duterte at tunay na nagmamalasakit sa kanyang sitwasyon, huwag kayong mag-alala dahil maayos ang kalagayan ni Tatay Digong. Araw-araw niyang ginagampanan ang kanyang tungkulin bilang Pangulo at Ama ng bansa,” patuloy pa nito.

Nagbabala pa ang dating presidential assistant sa nagpapakalat ng maling balita tungkol sa kalusugan ng pangulo.

“Gusto niyo ba siyang mapahamak? Alam niyo, plastik ang tawag diyan. Sa mga taong nagmamadali, huwag kayong impatient. Mag-antay kayo sa tamang panahon. Unahin muna natin na malampasan ang pandemyang ito,” sabi ni Go.

“Sana, kung naghahanap ang iilan diyan sa Pangulo, ito ay dahil tunay kayong nag-aalala sa kalagayan ng Ama ng ating bansa … Ipanalangin ninyo dapat ang kanyang maayos na kalagayan, hindi ang kanyang kapahamakan,” depensa pa nito.

The post ‘Wag ipagdasal kapamahakan ni Duterte – Go first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/wag-ipagdasal-kapamahakan-ni-duterte-go/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=wag-ipagdasal-kapamahakan-ni-duterte-go)