Imbes na ayuda, mistulang naging abuloy na ang ipinamamahaging tulong ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) dahil sa “usad-pagong” na sistema ng pamamahagi nito.

Ayon ito kay Gabriela partylist Rep. Arlene Brosas kasabay ng pagsasabing sa sobrang usad pagong na pamimigay ng ayuda ng DSWD sa mga mahihirap na pamilyang lubhang apektado ng pandemia ay namatay na sa gutom ang mga ito.

“Anong petsa na? Nasa bagong quarantine classification na tayo pero hindi pa rin nakakarating ang ayuda para sa mamamayan. Hindi na ayuda ang tawag diyan — abuloy na,” giit ni Brosas.

Mismong ang DSWD ang umamin na Tanging 8% pa lamang ng cash aid ang kanilang naipamahagi sa mga apektadong pamilya sa NCR Plus bubble, na katumbas lamang ng 1.7 milyon ng mahigit sa 22.9 milyon target beneficiaries.

“Walang sense of urgency ang pamahalaang ito. Hindi na nga sapat ang ayuda, hindi pa maibigay agad. Dumaan na ang BAYANIHAN 1 at 2 pero hindi pa rin umaabot ang ayuda sa mga tao,” ayon pa kay Brosas.

Ang masaklap pa, saad ng mambabatas, nabahiran pa ng iregularidad ang pamamahagi matapos na malamang may sinisingil pang ‘service fees’ na mula 20 hanggang 50 pesos sa mga ‘digital payout’

“Katiting na 1k na nga lang ang ibinigay kada tao, babawasan pa. Para saan pa ang online payment apps kung pipila rin naman ang mga benepisyaryo para makuha ang pera? Dapat tanggalin na iyang service fees sa pagbibigay ng ayuda at ayusin ang sistema ng distribution sa mga komunidad,” ayon kay Brosas.

Dahil dito, dagdag niya, “dapat din imbestigahan kung sino ba ang kumikita diyan sa pagkuha ng fintech companies sa pagbibigay ng ayuda dahil wala namang ganansya ang mga benepisyaryo diyan. Sa katunayan, lugi pa nga sila dahil bawas-bawas ang nakukuha nila.”

The post Walang sense of urgency! Lockdown ayuda naging abuloy na – Brosas first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/walang-sense-of-urgency-lockdown-ayuda-naging-abuloy-na-brosas/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=walang-sense-of-urgency-lockdown-ayuda-naging-abuloy-na-brosas)