Isinusulong ni Senador Sherwin Gatchalian ang tax exemption sa honoraria, travel allowance, at iba pang mga benepisyong ipinagkakaloob sa mga poll worker, lalo na sa mga guro, opisyal, at mga kawani ng Department of Education (DepEd).

Sa ilalim ng Senate Bill No. 1193 na inihain noong 2019, ipinapanukala ni Gatchalian ang muling pag-amyenda sa una nang na-amyendahang National Internal Revenue Code of 1997 (Republic Act No. 8424) upang matanggap ng mga poll workers ang buong halaga ng kanilang honoraria, travel allowance, at iba pang mga benepisyo.

Sabi ni Gatchalian, layunin na panukala na huwag nang isama ang honoraria at allowances sa gross income ng mga poll workers. Sa kasalukuyan, ang election honoraria ng mga naturang poll workers ay pinapatawan ng limang porsyentong buwis.

Habang patuloy ang pagsisikap ng mga guro at ng ibang mga kawani ng DepEd upang maipagpatuloy ang edukasyon sa gitna ng pandemya, binigyang-diin ni Gatchalian ang mahalagang papel nila upang matiyak ang malinis, maayos, at mapayapang halalan.

Sabi pa ng senador, kinakaharap ng mga guro ang panganib na dulot ng mga karahasang may kinalaman sa halalan, lalo na sa mga itinuturing na high risk areas.

Noong 2019 midterm elections, mahigit kalahating milyong (531,307) mga guro, opisyal, at kawani ang ipinadala sa mahigt tatlumpu’t anim na libong (36,830) poll centers.

“Maliban sa pagpapatuloy ng edukasyon sa gitna ng pandemya, ang ating mga guro, opisyal, at kawani ng mga pampublikong paaralan ay nagsisilbing frontliners upang matiyak ang maayos at malinis na halalan,” sabi pa ni Gatchalian.

“Hindi biro ang trabaho nila mula sa preparasyon hanggang sa bilangan ng mga balota. Kaya maituturing natin itong isang paraan ng pasasalamat para sa kanilang dedikasyon at sakripisyo,” sambit pa ng chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture.

The post Win: Election honoraria ng mga guro, dapat libre na sa buwis first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/win-election-honoraria-ng-mga-guro-dapat-libre-na-sa-buwis/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=win-election-honoraria-ng-mga-guro-dapat-libre-na-sa-buwis)