Tatlong senior citizen ang naturukan ng anti-rabies imbes na bakuna laban sa COVID-19.

Nangyari ang insidente sa Pradesh, India, ayon sa report ng New Indian Express kahapon.

Nagtungo umano ang mga senior citizen na kinilala lang na sina Saroj, 70; Anarkali, 72; at Satyavati, 60, noong Abril 8 sa isang community health center sa Kandhla, Shamli District upang magpabakuna laban sa virus.

Pinabili ang mga ito ng hiringgilya pagdating sa ospital at matapos silang bakunahan ay binigyan ng kapirasong papel at pinauwi na.

Nagsimulang makaranas ng side effect ang isa sa mga senior na si Saroj na pagkahilo at pagduwal.

Dinala siya sa isang pribadong doktor at doon nadiskubre na anti-rabies vaccine ang binakuna sa kanya sa halip na anti-COVID-19, batay sa ibinigay na papel sa kanya ng public health center.

Gayundin ay nakita sa mga papel na hawak nina Anarkali at Satyabati na anti-rabies ang nabakuna sa mga ito.

Sa report ng The Hindu, sinabi ni District Magistrate Jasjeet Kaur na sa maling linya pumila ang mga biktima sa halip na lumapit sa COVID-19 vaccine outpatient department.

Sa kabila nito ay dapat naman daw naging maingat ang pharmacist at hindi sumunod sa SOP.

Naghain na ng reklamo ang mga pamilya ng mga biktima at nagsasagawa na ng imbestigasyon sa insidente.

The post Wow mali! 3 senior citizen naturukan ng anti-rabies imbes COVID bakuna first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/wow-mali-3-senior-citizen-naturukan-ng-anti-rabies-imbes-covid-bakuna/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=wow-mali-3-senior-citizen-naturukan-ng-anti-rabies-imbes-covid-bakuna)