Sa edad na 10, sandigan agad ng kanyang pamilya si Reymark para magtrabaho sa bukid at makakain ng tatlong beses kada araw.

Ilang oras naglalakad si Reymark sa bundok ng Sultan Kudarat kasama ang kanyang kabayo na si Rabanos para makapunta sa kanilang bukid kung saan siya mag-aaararo sa kabila ng maliit na pangangatawan.

“Mahirap (mag-araro) dahil maliit lang ako pero kinakaya ko para sa aking pamilya,” saad ni Reymark sa ‘Kapuso Mo Jessica Soho’.

Pitong anyos pa lang ay sinusubukan nang mag-araro ni Reymark kung saan ito rin ang naging kabuhayan ng kanyang ama.

Napilitan si Reymark na magtrabaho dahil nagkaroon ng warrant of arrest ang kanyang tatay dahil sa illegal possession of firearms.

Hindi na alam ni Reymark at kanyang lolo’t lola kung saan nagpunta ang tatay nito.

Ang ina naman ni Reymark ay may sarili nang pamilya at asawa.

“Masakit po sa pakiramdam na akalain mo, sa ibang bata, na bakit sila, ang suwerte nila dahil may nanay sila at tatay, tapos iniinsulto nila?” sambit ng bata. “Kung ako po yun, napaka-suwerte na po ako sa mundo.”

Tumulong naman ang Department of Social Welfare and Development, Department of Agriculture at ang local government unit sa Bagumbayan, Sultan Kudarat sa pamilya ni Reymark.

Binigyan sila ng school supplies, grocery, ilang sako ng bigas, pananim, manok. at ilan pang alagang hayop para iyon na lang ang gawing kabuhayan ni Reymark at kanyang pamilya.

The post 10-anyos batak sa pag-aararo para tulungan lolo’t lola first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/10-anyos-batak-sa-pag-aararo-para-tulungan-lolot-lola/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=10-anyos-batak-sa-pag-aararo-para-tulungan-lolot-lola)