Mga armas at pampasabog ang narekober ng pulisya mula sa dalawang aktibista na naaresto sa magkahiwalay na operasyon sa Bicol region nitong Mayo 2 nang madaling araw.

Isa sa mga inaresto si Danilo Balucio, 61, na hinuli sa kanyang tahanan sa Barangay San Isidro, Sto. Domingo, Albay dakong alas-3:00 am ng madaling araw.

Ayon sa pulisya, nakuha nila mula sa bahay ni Balucio ang isang .45 calibre na baril na may lamang bala, dalawang magazine, isang hand grenade at isang bandila ng samahang Bagong Hukbong Bayan.

Ang warrant of arrest kay Balucio ay ikinasa ni Legazpi City Regional Trial Court Branch 4 Judge Edgar Armes.

Dinepensahan naman ng United Church of Christ in the Philippines (UCCP) si Balucio. Anila, inutusan umano ng pulis ang aktibista, kasama ang kanyang kaibigan at mga kapamilya na dumapa habang ginagalugad ang kanilang pamamahay.

Si Balucio ay ang secretary general ng Bagong Alyansang Makabayan-Bicol at pastor sa UCCP.

Samantala, sa Barangay Cararayan sa Naga City, Camarines Sur ay dinakip ang isa pang aktibistang nagngangalang Sasah Sta. Rosa, 21 anyos.

Ayon sa awtoridad, alleged possession of firearms and explosives umano ang dahilan ng pag aresto kay Sta. Rosa.

Ngunit ayon sa grupong Anakbayan, pinuwersa umano ng mga pulis na lumabas ng bahay ang mga kapamilya ng aktibista bago nila ginalugad ang kanilang pamamahay.

Suspetsa ng grupo, tinaniman ng ebidensya ng pulisya si Sta. Rosa, na tumatayong chairperson ng Jovenes Anakbayan – Naga Chapter. (Mark Joven Delantar)

The post 2 aktibista arestado sa Bicol; ebidensya tinanim umano first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/2-aktibista-arestado-sa-bicol-ebidensya-tinanim-umano/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=2-aktibista-arestado-sa-bicol-ebidensya-tinanim-umano)