Nailigtas ng mga awtoridad nitong Lunes ang mga mangingisdang lulan ng isang fishing boat na nasiraan sa gitna ng West Philippine Sea noong Linggo.

Ayon sa mga awtoridad, nakaranas ng ‘hull derangement’ at butas sa freeboard ang bangkang FB Pauline 2.

Sa kabutihang-palad ay namataan ng isa pang bangka, na may pangalang FB Espanola, ang nasiraang bangka kaya’t nabigyan ito ng suporta sa gitna ng karagatan.

Ang mga sakay din ng FB Espanola ang kumontak sa mga awtoridad upang mailigtas ang 31 mangingisda sa loob ng FB Pauline 2.

Agad namang rumesponde ang Naval Forces West at ipinadala ang barkong BRP Emilio Jacinto (PS35) upang madala sa San Jose, Oriental Mindoro ang mga naligtas na mangingisda.

Sinabi rin ng Naval Forces West na nabigyan na ng pagkain at medikal na atensyon ang mga mangingisda.

The post 31 mangingisda, nailigtas sa WPS first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/31-mangingisda-nailigtas-sa-wps/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=31-mangingisda-nailigtas-sa-wps)