Apat na milyong doses ng bakuna kontra COVID-19 ang inaasahang darating sa bansa ngayong buwan ng Mayo.

Ito ang inireport ni vaccine czar Secretary Carlito Galvez kay Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang Talk to the People nitong Lunes ng gabi.

Ayon kay Galvez, simula ngayong Mayo 7 ay tataasan ng Sinovac ang kanilang ipapadalang supply ng bakuna sa bansa.

“Magandang balita mahal na Presidente, simula sa May 7 mag-scale up na ang Sinovac. Mula sa dating 500,000, ngayon one tranche po 1.5 million so tataas ang ating rollout, so all in all sa May magkakaroon po tayo ng four million sa May,” ani Galvez.

Inaasahan aniya na tataas ang delivery ng supply ng mga bakuna at sa buwan ng Hulyo ay tinatayang magkakaroon ng 10.3 milyong doses dahil parating na ang mga inorder na bakuna mula sa Moderna at AstraZeneca.

Sa kabuuan, sinabi ni Galvez na mayroon ng dumating na mahigit apat na milyong COVID vaccine sa bansa sa buwan ng Abril, kabilang na dito ang Sinovac, AstraZeneca at ang Gamaleya Sputnik V ng Russia.

Sa pagdating aniya ng Sputnik V sa bansa nitong nakalipas na araw ay naging emosyonal si Russian Ambassador to the Philippines Marat Pavlov dahil nakatulong aniya sila na makatating sa bansa ang kanilang bakuna.

“Nagpapasalamat po tayo sa Russian Ambassador, he is very emotional, sabi niya, ‘At least nakatulong kami sa Pilipinas na maipaabot ang kanilang vaccine’, ” dagdag ni Galvez.

The post 4M COVID bakuna bubuhos ngayong Mayo – Galvez first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/4m-covid-bakuna-bubuhos-ngayong-mayo-galvez/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=4m-covid-bakuna-bubuhos-ngayong-mayo-galvez)