Dahil sa inaasahang pagpapatuloy ang home-based learning, isinusulong ni Senador Win Gatchalian ang mas mataas na teaching supplies allowance upang makatulong sa gastusin ng mga guro para sa distance learning.

Si Gatchalian ay isa sa mga may akda at co-sponsor ng Senate Bill No. 1092 o ang ‘Teaching Supplies Allowance Act of 2020’ na naglalayong dagdagan ang teaching supplies allowance ng mga guro mula sa kasalukuyang P3,500.

Gagawin itong P5,000 para sa school year 2021-2022 at SY 2022-2023, P7,500 sa SY 2023-2024, at P10,000 sa SY 2024-2025.

Sabi ni Gatchalian, ang naturang allowance ay maaaring gamiting pambili ng mga kagamitan sa pagtuturo at sa pagpapatupad ng iba’t ibang paraan ng distance learning.

Aniya, ang halagang matatanggap ng mga guro ay hindi papatawan ng buwis. Noong nakaraang Nobyembre ay inaprubahan na ng Senado sa ikatlo at huling pagbasa ang panukalang batas.

Para suportahan ang mga guro sa inaasahang pagpapatuloy ng distance learning, inanunsyo ng DepEd na magpapamahagi ito ng connectivity load sa mga guro sa loob ng tatlong buwan simula nitong darating na Hunyo.

Ayon kay DepEd Undersecretary Alain Del Pascua, sinimulan na ng ahensya ang procurement upang mabigyan ang mga guro sa pampublikong paaralan ng 30 hanggang 35 GB ng data kada buwan.

Dagdag ng opisyal, ang 35 GB ay sapat dahil ang 1GB na bandwidth ay sapat para sa pagtuturo, pakikilahok sa mga webinar, pag-download, panonood ng mga video at iba pang mga gawain sa online.

Ang data na hindi makokonsumo ng mga guro ay maaaring magamit sa susunod na buwan at sa loob ng isang taon hanggang maubos ng guro ang nakalaang 100GB.

Sabi pa ni Gatchalian, dapat maging institutionalize ang pagbibigay ng teaching supplies allowance sa mga guro.

“Ang panukala nating pagtaas ng teaching supplies allowance ay pagbibigay ng suporta at pagkilala sa sakripisyo ng mga guro, lalo na ngayong panahon ng pandemya,” sabi ni Gatchalian.

“Kailangang pagsikapan nating maibsan ang pasaning pinansyal ng mga guro upang maturuan nang husto ang kanilang mga mag-aaral,” pahayag ng Chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture.

The post Allowance ng mga guro dagdagan – Gatchalian first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/allowance-ng-mga-guro-dagdagan-gatchalian/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=allowance-ng-mga-guro-dagdagan-gatchalian)