Mariing tinutulan ni Senador Christopher ‘Bong’ Go ang mga nagsusulong na alisin ang pondo ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) na magreresulta lang sa pagka-antala ng anti-insurgency campaign ng pamahalaan.

“Hindi po ako sang-ayon diyan dahil maantala ang ating kampanya, itong anti-insurgency campaign natin,” pahayag ni Go.

Ayon sa senador, unti-unti nang gumaganda ang kampanya laban sa insurgency dahil sa iba’t ibang programa ng NTF-ELCAC. Masasayang aniya ito kung aalisin ang pondo ng task force laban sa anti-insurgency program.

“Maganda na po ang umpisa ng kampanya laban sa insurgency. Hindi po ako sang-ayon na sa kalagitnaan ng kampanya ay puputulin,” sabi ni Go.

“Nandyan na po ‘yan sa budget. Maganda na ang takbo, ang intensyon po ng ELCAC,” dagdag pa nito.

Ngayong taong 2021, P16 bilyon ang inilaan para sa Support to Barangay Development Program ng NTF-ELCAC kung saan popondohan ang mga development project sa 822 barangay na wala nang insurgency.

“Ang pondo para sa ELCAC, hindi para makipagpatayan. Ang pondo na ito ay tulong sa mga barangay para hikayatin sila na may maitulong sila sa komunidad nila,” paliwanag ni Go.

“Tulong po ito sa barangay. So, kung makakatulong ito sa pag-unlad ng bayan, ‘di po ako sang-ayon na putulin po ito dahil maganda na po ang takbo ng kampanya. Sa susunod na taon po, ibang usapan na po iyon kasi meron na po silang existing budget right now that only the President ang makapagtanggal diyan,” dagdag pa nito.

The post Anti-insurgency campaign mapupurnada ‘pag binokya pondo ng NTF-ELCAC – Bong Go first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/anti-insurgency-campaign-mapupurnada-pag-binokya-pondo-ng-ntf-elcac-bong-go/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=anti-insurgency-campaign-mapupurnada-pag-binokya-pondo-ng-ntf-elcac-bong-go)