Isinasapinal na ng business sector ang delivery date para sa mga bibilhing bakunang ituturok sa mga economic frontliner.

Sinabi ni Presidential Adviser for Entrepreneurship Joey Concepcion na 1.3 milyong doses ng AstraZeneca ang inaasahang darating sa bansa ngayong Hunyo na manggagaling sa Thailand.

“Hinihintay namin sa AstraZeneca yung final delivery date sa June. Ang pinag-usapan namin 1.3M dose ang darating at susundan ng July. By end of this week siguro ay mako-confirm natin ang delivery dates,” ani Concepcion.

Ayon kay Concepcion, magiging prayoridad sa mga darating na bakuna ang mga manggagawa sa NCR Plus para makuha ang target na herd immunity bago matapos ang taon at tuluyang mabuksan ang ekonomiya.

“Ang priority nito sa NCR Plus, kailangan natin i-focus yung mga bakuna dito para we’ll be able to hit herd immunity by the end of the year,” ani Concepcion.

Mayroong 24 million na manggagawa sa NCR plus at 13 million dito ay mula sa Metro Manila.

Sinabi ni Concepcion na sa kanyang kompanya ay tumaas na ang interes ng mga manggagawa na nais magpabakuna subalit sa ibang kompanya ay medyo mababa pa.

Dahil dito hiniling nito sa Department of Labor and Employment (DOLE) na tumulong at mag-isyu ng memorandum na manghihikayat sa mga manggagawa na magpabakuna para magtuloy-tuloy na ang pagbubukas ng mga negosyo at hanapbuhay sa bansa.

“Kailangan natin dito tulong ng DOLE, mag-isyu ng memorandum encouraging all employees dahil medyo marami pa rin ang ayaw, economically challenged ang citizens natin na ayaw pa ring magpaturok,” dagdag ni Concepcion.

The post Bakuna para sa mga economic frontliner hinahanda na first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/bakuna-para-sa-mga-economic-frontliner-hinahanda-na/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=bakuna-para-sa-mga-economic-frontliner-hinahanda-na)