Inaprubahan na ng House Committee on Economic Affairs at on Social Services nitong Lunes ang substitute bill para sa panukalang P405.6 bilyong Bayanihan to Arise As One (Bayanihan 3).

Ayon kay Economic Affairs committee chairperson at AAMBIS-OWA Rep. Sharon Garin bukod sa mga grammatical error ang ginalaw lamang umano sa panukala ay ang panggagalingan ng pondo.

Hindi na umano kukunin ang pondo ng Bayanihan 3 sa nalalabing pondo sa ilalim ng 2021 General Appropriations Act (GAA).

“To fast track economic recovery and pump prime the economy, implementation ready programs, activities, and projects, including programs, activities, and projects that have not yet undergone the procurement process, whether for comprehensive release or for later release shall not be discontinued and appropriations for such programs, activities and projects shall be immediately released,” saad ng amendment ng panukala.

Sa ilalim ng panukala ay magbibigay ang gobyerno ng dalawang tig-P1,000 ayuda sa lahat ng Pilipino. Gagastos ang gobyerno rito ng P216 bilyon.

Dahil limitado ang budget, hinati ang Bayanihan 3 sa tatlong bahagi at nakadepende ang pagpapatupad nito kung magkano ang pera ng gobyerno.

Ang unang bahagi ay nagkakahalaga ng P167 bilyon. Kasama rito ang P108 bilyon para unang P1,000 ayuda, P12 bilyon sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), P8 bilyong wage subsidy, P10 bilyon para sa mga nawalan ng trabaho, at P20 bilyon sa Pension and Gratuity Fund (PGF) ng mga retiradong military and uniformed personnel (MUP).

Ang Phase 2 ay nagkakahalaga ng P191 bilyon. Kasama rito ang pangalawang P1,000 ayuda at P20 bilyong PGF ng retiradong MUP.

Ang Phase 3 naman ay P47.6 bilyon kung saan P15 bilyon ang inilagay na ayuda sa agri-fishery sector.

Binigyang-diin ni Speaker Lord Allan Jay Velasco ang kahalagahan na maipasa ang panukala.

Aniya, sa 300 miyembro ng Kamara de Representantes, 290 kongresista ang pangunahing may-akda at co-author ng panukala, indikasyon na mabilis itong maipapasa sa ikalawa at ikatlong pagbasa.

“Kalinga. Kabuhayan. Kalusugan. Similar in the past, when our ancestor used Bayanihan to help one another, today the Members of the Philippine House of Representatives have the similar opportunity to ease the burden and share the load of our fellow Filipinos. By passing the proposed substitute bill, we are one step closer in ending the pandemic or plight and hunger that our embattled society is facing,” sabi ni Velasco.

The post Bayanihan 3 pasado na sa House committee first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/bayanihan-3-pasado-na-sa-house-committee/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=bayanihan-3-pasado-na-sa-house-committee)