Iniulat ni Department of Labor and Employment (DOLE) Secretary Silvestre Bello III nitong Lunes, Mayo 3, na umabot sa halos 3,000 manggagawa ang nabakunahan kontra COVID noong Sabado, Araw ng Paggawa.

Ayon sa panayam kay Bello sa programang Teleradyo, 5,000 indibidwal ang nakaplanong bakunahan noong Mayo 1 subalit kinapos sila sa oras kaya’t nasa 3,000 lamang ang nabakunahan.

“Medyo kinapos sa oras. Marami ang nandoon pero, ‘di sila inabutan ng panahon kasi umabot na ng gabi, ‘di pa natatapos ang pagbabakuna,” sabi ng kalihim.

Ngunit dagdag ni Bello, ang mga hindi inabot ng oras noon Mayo 1 ay babakunahan sa ibang araw. Ayon sa kanya, isa ang lungsod ng Pasig sa mga naglipat ng schedule ng pagbabakuna sa Lunes, Mayo 3.

Samantala, ibinalita rin ni Bello na nasa 2,696 na mga indibidwal mula sa mahigit 13,000 na aplikante ang pumasa at nakatakdang magsimula ng trabaho bilang contact tracers sa Mayo 3.

Ayon kay Bello, mahigit 5,700 ang kinakailangan nilang contact tracers, na may kontrata ng tatlong buwan at may sahod na P537 kada araw. (Mark Joven Delantar)

The post Bello: 3k manggagawa, binakunahan sa Labor Day first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/bello-3k-manggagawa-binakunahan-sa-labor-day/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=bello-3k-manggagawa-binakunahan-sa-labor-day)