Tinambakan ng Portland Trailblazers ang Denver Nuggets 132-116 sa kanilang huling regular season game upang maangkin ang ika-anim na puwesto sa Western Conference sa darating na playoffs.

Nanguna si Damian Lillard sa kanyang 22 points at 10 assists habang nagdagdag pa si CJ McCollum ng 24 points kabilang ang limang tres at naiwasan ng Blazers ang walang kasiguruhang play-in tournament.

Ang Nuggets, na tumapos bilang 3rd seed, ang siyang makakalaban ng Blazers sa first round ng playoffs.

Dahil din sa panalo ay nilaglag ng Portland ang Los Angeles Lakers sa ika-pitong puwesto sa play-in tournament.

Sa naturang play-in tournament naman ay masasaksihan ang bakbanag LeBron James at Stephen Curry dahil tumapos naman ang Golden State sa ika-walong posisyon.

Ang mananalo sa Lakers-Warriors na laro ay kukunin ang ika-pitong puwesto sa West habang ang matatalo ay lalaban sa mananalo sa sagupaang San Antonio at Memphis para sa natitirang playoff spot sa nasabing kumperensya.

Samantala, ang isa pang kasado nang bakbakan sa West sa unang round ng playoffs ay ang laban ng Los Angeles Clippers at Dallas Mavericks.

Ang naghihintay naman ng makakalaban mula sa play-ins ay ang number one seed Utah Jazz at ang pangalawang Phoenix Suns.

The post Blazers wagi sa Nuggets, playoff matchups kasado na first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/blazers-wagi-sa-nuggets-playoff-matchups-kasado-na/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=blazers-wagi-sa-nuggets-playoff-matchups-kasado-na)