Inirekomenda kay Pangulong Rodrigo Duterte na bigyan ng parangal ang mga medical frontliner na nagligtas sa mga sanggol nang magkasunog sa Philippine General Hospital (PGH).

Ang rekomendasyon ay nagmula mismo sa dating top aide ng Pangulo na ngayon ay senador na.

Sinabi ni senador Bong Go na hindi matatawaran ang ipinakitang katapangan at sakripisyo ng mga nurse ng PGH nang sinagasa ang makapal na usok para lamang mailigtas ang 35 sanggol sa third floor ng PGH habang nasusunog ang ika-apat na palapag.

“Dahil sa ipinamalas nilang tapang at malasakit sa kapwa, inirekomenda ko kay Pangulong Duterte na gawaran ng parangal ang medical frontliner bilang pagkilala sa kanilang kabayanihan,” ani Go.

Magsilbi sana aniyang huwaran sa mga Pilipino ang ipinakitang katapangan ng mga medical staff ng PGH habang nahaharap sa krisis para magpakita ng malasakit sa kapwa.

Isa sa mga nagligtas sa mga sanggol habang nasa kasagsagan ng sunog sa PGH noong May 16, 2021 ay si nurse Katrina Bianca Macababbad na nag-viral matapos i-post sa social media ang naging karanasan nila sa pagliligtas sa mga sanggol.

The post Bong Go: Mga bayani sa PGH sunog bigyang parangal first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/bong-go-mga-bayani-sa-pgh-sunog-bigyang-parangal/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=bong-go-mga-bayani-sa-pgh-sunog-bigyang-parangal)