Pinalagan ni Bayan Muna Rep. Ferdinand Gaite ang naganap umanong ‘buy-anihan’ sa San Jose del Monte, Bulacan kung saan sumuko ang mga miyembro ng militanteng grupo kapalit ng ayudang matatanggap.

Ayon kay Gaite lehitimong organisasyon ang Bayan Muna at ang Kadamay kaya hindi kailangang sumuko ng mga miyembro nito.

Ang pinasusuko umano ng gobyerno ay ang karapatan ng mga tao na mag-organisa dahil hindi naman rebelde ang mga ito.

“Ayuda kapalit ng pagsuko sa karapatan? Why do people have to trade in the right to organize themselves in exchange for aid? This is undemocratic and immoral. It is sick. They are exploiting people’s hunger amidst the pandemic to advance their sinister anti-democratic political agenda,” sabi ni Gaite.

Habang inuugnay umano sa rebeldeng grupo ang mga community pantry, abala rin ang gobyerno sa pagpilit sa mga nagugutom na tumanggap ng ayuda kapalit ng pagtalikod sa kanilang organisasyon.

“Ito ang bersyon ng bayanihan ng NTF-ELCAC, ‘buy-anihan,’ ibebenta mo sa kanila ang karapatan mo kapalit ng ayuda,” dagdag pa ni Gaite na ang pinatutungkulan ay ang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict.

Naniniwala rin si Gaite na ginagamit lamang ang mga ‘pekeng sumuko’ para ‘gatasan’ ang rebel returnee fund sa ilalim ng Enhanced Comprehensive Local Integration Program (ECLIP).

The post ‘Buy-anihan’ sa Bulacan kinondena ng Bayan Muna first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/buy-anihan-sa-bulacan-kinondena-ng-bayan-muna/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=buy-anihan-sa-bulacan-kinondena-ng-bayan-muna)