Tiwala si dating Speaker Alan Peter Cayetano na darami ang mga kongresista na sumusuporta sa kanyang panukala na bigyan ng tig-P10,000 ang bawat pamilyang Pilipino.

“May consensus naman talaga ang buong Pilipinas na kailangan ng P10K ayuda ang mga Pilipino at ito’y mabuti sa ekonomiya at ito ay mabuti sa pamilya,” sabi ni Cayetano.

Nagpasalamat din si Cayetano kay Parañaque Rep. Eric Olivarez na nagsabi na susuportahan nito ang panukala kung kaya namang pondohan.

“Kung kaya ng budget bakit hindi para sa mga nangangailangan (naman yan), kung kaya ng appropriation na i-budget po ‘yon para sa nangangailangan, full support tayo doon kung kaya ng budget,” sabi ni Olivarez.

Inihain ni Cayetano at kanyang mga kaalyado ang panukala na bigyan ng tig-P10,000 bawat pamilya o P1,500 kada indibidwal, alinman ang mas malaki noong Pebrero.

Pero sa pagtalakay ng panukalang Bayanihan to Arise As One (Bayanihan 3) ay hindi ito tinanggap at sa halip ang isinama ng mga miyembro ng komite ay ang panukala na pagbibigay ng dalawang tig-P1,000 bawat miyembro ng pamilya.

“Kaya pakiusap ko sa lahat ng kongresista na gawin nating mabilis at i- explain natin sa Malacañang na may pera naman at agad-agad na yung P10K ay maibigay at agad-agad na isunod naman ang iba pang stimulus gaya ng health, agriculture, tourism, education, at kabuhayan,” dagdag pa ni Cayetano.

Sinabi ni Cayetano na hindi limos ang kailangan ng pamilyang Pilipino ngayon kundi tulong.

The post Cayetano hindi pa sinusukuan P10K ayuda first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/cayetano-hindi-pa-sinusukuan-p10k-ayuda/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=cayetano-hindi-pa-sinusukuan-p10k-ayuda)