Binanatan ng National Union of Students of the Philippines (NUSP) ang Commission on Higher Education (CHED) nitong Huwebes kaugnay ng desisyon ng ahensya na ipagpatuloy ang flexible learning sa mga susunod na taon.

Ayon kay NUSP president Jandeil Roperos, kontra sila sa flexible learning na isinusulong ng CHED dahil ito ang hinaing ng mga estudyante na kanilang hiningian ng opinyon mula sa iba’t-ibang parte ng bansa.

Kaya para kay Roperos, bingi ang ahensya sa mga hinaing ng estudyante.

“With all due respect Chairman Popoy De Vera, we are not blind, you have been deaf,” pahayag ni Roperos.

Kaugnay din ito ng pahayag ni CHED Chairman Popoy De Vera noong Miyerkules na bulag sa mga pagbabago ang kumokontra sa flexible learning.

HInamon din ng NUSP ang ahensya na magdaos ng konsultasyon sa mga estudyante upang marinig ang kanilang opinyon tungkol sa flexible learning.

At dahil kontra sa flexible learning, ang sinusuportahan ng NUSP ay ang dahan-dahan at ligtas na pagbabalik sa face-to-face classes.

The post CHED, bingi sa boses ng estudyante – NUSP first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/ched-bingi-sa-boses-ng-estudyante-nusp/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=ched-bingi-sa-boses-ng-estudyante-nusp)