Inaprubahan ng House Committee on Agriculture and Food at Appropriations ang panukala na dagdagan ang tulong na ibinibigay ng gobyerno sa mga maliliit na magsasaka.

Sa pagdinig ng mga komite, sumang-ayon ang mga kongresista na kunin ang pondo na gagamitin sa ibibigay na tulong pinansyal sa nakokolektang buwis mula sa imported na bigas.

Ayon kay Agriculture committee chairperson at Quezon Rep. Mark Enverga sumang-ayon din ang mga miyembro ng komite na palawigin ang mga magsasaka na makikinabang sa panukalang Rice Farmers Financial Assistance.

Sa halip na ilimita ang bibigyan ng tulong sa mga magsasaka na mayroong isang ektaryang lupa pababa, sinabi ni Enverga na ang magbebenepisyo na sa panukala ay ang mga nagsasaka ng dalawang ektarya pababa.

Aabot sa 1,534,941 sa 1,954,433 nakarehistrong magsasaka ang magbebenepisyo sa panukala.

Sa ilalim ng Rice Tariffication law (Republic Act 11203) ang makokolektang P10 bilyon mula sa taripa na ipinapataw sa imported na bigas ay mapupunta sa Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF).

Sa ilalim ng panukala, ang sosobra sa P10 bilyon sa makokolektang buwis ay ilalaan naman sa cash assistance.

Ang RCEF ay napupunta sa pagbili ng mga makinarya, binhi, pautang at pagsasanay sa mga magsasaka.

Noong 2019 umabot sa P12.135B ang nakolektang taripa sa imported na bigas. Noong 2020 ay umabot ang koleksyon sa P16.269B.

The post Dagdag tulong sa mga magsasaka, lusot sa House committee first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/dagdag-tulong-sa-mga-magsasaka-lusot-sa-house-committee/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=dagdag-tulong-sa-mga-magsasaka-lusot-sa-house-committee)