Tutol si Department of Budget and Management (DBM) Secretary Wendel Avisado sa plano na magpabakuna muna bago ibigay ang benepisyo ng mga kasali sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps.

Sa harap na rin ito ng ulat na mayorya pa rin ng mga Pilipino ay ayaw magpabakuna laban sa COVID-19.

Sinabi ni Avisado na kapag ginawa ito ay para na ring ginawang sapilitan ang pagpapabakuna na hindi naman nakasaad sa batas.

“Ayaw ko dahil parang ginagawa nating compulsory eh. Hindi naman compulsory yang bakuna. Doon sa mga gustong magpabakuna eh di desisyon nila yon, pero hindi yan nungka na gawing kundisyon para sila magkaroon ng ayuda. Walang basehan yan under the law,” ani Avisado.

Ang sinabi aniya ni Pangulong Rodrigo Duterte ay sana magpabakuna ang lahat dahil para naman ito sa kanilang kaligtasan at kabutihan pero kung ayaw ay manatili lamang ang mga ito sa kanilang mga bahay para hindi matamaan ng bagsik ng COVID-19.

“Ang sabi nga ni Presidente, magpabakuna sana lahat dahil yan ay para sa kabutihan nila, pero kung ayaw nila eh di huwag muna silang lumabas para hindi naman sila maapektuhan ng virus,” dagdag ni Avisado.

Ang bakuna muna bago 4Ps ay inilutang ni Presidential Spokesman Harry Roque sa kanyang press briefing dahil sa mababang porsiyento pa ng mga nagpapabakuna kontra COVID-19.

The post DBM tutol sa bakuna muna bago 4Ps ayuda first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/dbm-tutol-sa-bakuna-muna-bago-4ps-ayuda/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=dbm-tutol-sa-bakuna-muna-bago-4ps-ayuda)