Inanunsyo ng Food and Drug Administration (FDA) nitong Miyerkules na iimbestigahan nila ang paratang sa kanilang ahensya na may isa silang opisyal na nagdulot ng delay sa mahigit 600 drug applications.

Ito ay inihayag ni FDA Director General Eric Domingo matapos bigyan ng Anti-Red Tape Authority (ARTA) ng show-cause order si FDA Center for Drug Regulation and Research (CDRR) Director IV Jesusa Joyce Cirunay.

Ang show-cause order ay inihain para pagpaliwanagin si Cirunay dahil umano sa pag-delay sa proseso ng mga nasabing aplikasyon.

“‘Yung aming legal service namin ngayon ay tumutulong na rin na i-trace itong mga applications na ito para malaman kung may pagkukulang man o may problema talaga at hindi naaaksyunan,” saad ni Domingo.

Dagdag pa niya, noong siya ay umupo sa puwesto ay may mga backlogs na sa mga drug applications.

“Ang FDA will cooperate fully with the authorities sa pag-investigate nito para makita natin kung mayroon ngang problema,” dagdag pa niya.

Inihain ng ARTA ang show-cause order matapos magsumite ng affidavit ang iba’t-ibang pharmaceutical companies dahil may mga aplikasyon na sila mula pa noong 2014 na hanggang ngayo’y ‘di pa naaaksyunan ng FDA-CDRR. (Mark Joven Delantar)

The post Delay sa drug applications, aaksyunan ng FDA first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/delay-sa-drug-applications-aaksyunan-ng-fda/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=delay-sa-drug-applications-aaksyunan-ng-fda)