Ipinagmalaki ng Department of Health (DOH) nitong Miyerkules na malaking porsyento na ng mga medical frontliners ang nabakunahan na kontra COVID.

Ayon kay DOH Undersecretary Myrna Cabotaje, nasa 1.3 milyon na mga health workers na ang naturukan ng unang dose ng bakuna mula sa tinatayang 1.7 milyon na mga manggagawa mula sa nabanggit na sector.

Kaya naman, nasa 85% na umano ng kabuuang bilang ng mga health worker ang nabakunahan na.

“Karamihan po ng ating nabakunahan, iyong tinatawag nating priority A1. Nasa 85 percent na po tayo ng ating A1 ng first dose na master listed,” pahayag ni Cabotaje.

Noong Marso 1 pa nagsimulang bakunahan ang mga health worker dahil na rin sa sila ay kabilang sa A1 priority group.

Dagdag pa ni Cabotaje, karamihan sa mga natitirang health worker na hindi pa nababakunahan ay ang mga nasa probinsya.

“Kailangan natin pong hikayatin ang ating mga barangay health workers, ating members ng barangay emergency response teams. Medyo nag-aatubili pa sila.”

The post DOH: 1.3 milyon health worker, bakunado na first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/doh-1-3-milyon-health-worker-bakunado-na/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=doh-1-3-milyon-health-worker-bakunado-na)