Hindi nakakagamot sa COVID-19 ang isang Chinese food supplement na ginagamit ngayon ng publiko pangontra sa coronavirus.

Sa Laging Handa press briefing, sinabi ni Department of Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na hindi lunas sa COVID-19 ang Lianhua Qingwen.

Bagama’t rehistrado aniya ito sa Food and Drug Administration (FDA), hindi ito kabilang sa mga gamot na ginagamit para sa COVID-19.

Sinabi ni Vergeire na pangsuporta lamang ang nabanggit na Chinese medicine sa mga sintomas subalit hindi gamot sa COVID-19.

“Kailangan lang maintindihan ng ating mga kababayan na ito pong gamot na ito ay pangsuporta. Kahit sa bansang pinagmulan nito, ginagamit din lang ‘yan para suportahan ang mga sintomas ngunit hindi po ‘yan nakakagaling o nakaka-prevent ng COVID-19,” ani Vergeire.

Hindi aniya kasama ang Lianhua Qingwen sa inilabas na clinical guidelines ng DOH para gamiting panggamot sa COVID-19.

“Ito po yung Chinese supplement and this was registered by the FDA. Pero ito po kasing mga supplements na ito hindi po ito kasama sa clinical guidelines na nilalabas natin,” dagdag niya.

Ang nabanggit na Chinese drug ay ginawa para gamutin ang viral influenza at pneumonia subalit ginagamit ngayon ng maraming Pilipino bilang proteksiyon sa COVID-19.

The post DOH: Chinese food supplement hindi lunas sa COVID first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/doh-chinese-food-supplement-hindi-lunas-sa-covid/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=doh-chinese-food-supplement-hindi-lunas-sa-covid)