Nagsanib-puwersa na ang Department of Health (DOH) at Department of Interior and Local Government (DILG) sa pag-imbestiga sa umano’y bentahan ng COVID vaccine sa Mandaluyong City at San Juan City.

Sinabi ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na kumilos na ang DOH at DILG para matukoy kung sino ang dapat na managot sa umano’y pagbebenta ng mga bakuna.

Sinabi ng opisyal na nakakuha na sila ng mga pahayag sa mga lokal na opisyal ng nabanggit na dalawang lungsod kaya’t hihintayin nila ang magiging resulta ng imbestigasyon.

“Tayo ay nakipag-ugnayan na sa ating local government officials. Sila rin po gumagawa ng kanilang imbestigasyon and at the same time ang DOH at DILG ay nag-iimbestiga na rin. Hintayin po natin kung ano ang makalap na resulta dito,” ani Vergeire.

Binigyang-diin ni Vergeire na Emergency Use Authorization (EUA) pa lamang ang paggamit ng COVID vaccine at hindi pa ito puwedeng i-commercialize o ibenta sa mga tao.

Mayroon aniyang parusa ang sinumang magbebenta ng mga binibili ng gobyerno.

“But definitely kung iyan ay mapatunayang totoo, makita natin yan mga taong gumagawa nito, they will be penalized based on the functions that are provided in our existing laws,” dagdag ni Vergeire.

The post DOH, DILG sanib-puwersa sa imbestigasyon sa ‘bentahan ng bakuna’ first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/doh-dilg-sanib-puwersa-sa-imbestigasyon-sa-bentahan-ng-bakuna/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=doh-dilg-sanib-puwersa-sa-imbestigasyon-sa-bentahan-ng-bakuna)