Mas maraming manggagawa ang inaasahang makakabalik sa trabaho ngayong inilagay na sa general community quarantine (GCQ) ang Metro Manila at apat na kalapit lalawigan.

Sinabi ni Trade and Industry Secretary Ramon Lopez na bukas muli ang mga mall at restaurant kaya makakapasok na muli ang mga manggagawang pansamantalang natigil ang hanapbuhay dahil sa isang buwang MECQ.

“Aasahan natin na maraming makakabalik sa trabaho dahil bukas na yung malls at saka restaurants. Ngayong GCQ with heightened restriction, ginawa nating 20% at hindi 50% tulad ng inaasahan under GCQ dahil ikinukunsidera natin itong malaking probability ng pagkalat ng transmission of the Indian variant at iba pang variants. Kaya mag-ingat pa rin tayo,” ani Lopez.

Mahigpit pa rin aniyang imomonitor ang indoor activity sa ilalim ng GCQ dahil naroon pa rin ang peligro ng COVID transmission kaya dinadahan-dahan ang pagbubukas ng mga establisyimento.

“Ang indoor activity ang mas binabantayang mabuti at dinadahan-dahan. Pero yung outdoor dine-in up to 60% ang pinayagan, kasama ang outdoor tourist attractions na binuksan na rin ngayon,” dagdag ni Lopez.

Muling ipinaalala ng kalihim sa publiko ang pagsunod pa rin sa basic health protocols dahil nananatili pa rin ang banta ng COVID-19 sa bansa.

The post DTI: Balik trabaho sa GCQ mas dadami first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/dti-balik-trabaho-sa-gcq-mas-dadami/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=dti-balik-trabaho-sa-gcq-mas-dadami)