Kusang ibinigay umano sa China nina dating Foreign Affairs Secretary Albert del Rosario at dating Supreme Court Associate Justice Antonio Carpio ang mga islang pinag-aagawan sa West Philippine Sea.

Ito ang inihayag ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang ‘Talk to the People’ matapos ikuwento ang mga pinag-usapan nila ni Chinese President Xi Jinping.

Ayon sa Pangulo, alam ng China ang mga pag-iingay nina Carpio at Del Rosario na siya umanong nagregalo ng mga isla subalit ibinubunton sa kasalukuyang administrasyon ang kanilang kapalpakan.

“Sabi ko alam ko na may dalawang taong maingay. Sabi nga ni Xi Jinping na, ‘Ah alam namin. Iyon yong dalawang si Albert pati si Carpio ang nagregalo sa amin iyang mga islands mo eh’.”

“Niregalo, namigay ang mga p*****. Tapos you have the temerity to blame anybody for your–in diplomatic term ‘faux pas’,” anang Pangulo.

Muling tinanong ng Presidente sina Carpio at Del Rosario kung bakit pinaatras ang mga barko ng Pilipinas sa WPS na naging dahilan kaya naagaw ng China ang Scarborough Shoal at Mischief Reef.

Dapat sana aniya ay ipinaglaban ng gobyerno ang mga isla subalit hinayaang maangkin ito ng China dahil sa kagagawan ng dalawang dating opisyal.

Sinabi ng Presidente na sina Carpio at del Rosario ang nagdala ng kalbaryo sa bansa at kahit nakatatak na sa kasaysayan ng Pilipinas ang mga ginawa ng mga ito, ay pilit na kumakawala sa kanilang pananagutan.

“Bakit pinaatras ninyo? Hindi kayo nagpadala doon at nagka-giyera na sana tayo noon. Tapos na sana kayong dalawa because kayo ang lynchpin who brought misery to our country. Ngayon na history is being made, recorded everyday, you want yourselves to free from any liability,” dagdag ng Pangulo.

The post Duterte: Isla sa ‘Pinas niregalo nina Carpio, Del Rosario sa China! first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/duterte-isla-sa-pinas-niregalo-nina-carpio-del-rosario-sa-china/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=duterte-isla-sa-pinas-niregalo-nina-carpio-del-rosario-sa-china)