Ipinagtanggol ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pag-atras sa hamon nitong debate kay dating Supreme Court Associate Justice Antonio Carpio sa pagsasabing hindi ito takot makipagdebate sa kanya.

Sa kanyang regular na Talk to the People, sinabi ng Pangulo na kaya si Presidential Spokesman Harry Roque ang itinapat niya kay Carpio sa debate sa halip na siya, ay sa dahilang baka ituring na mga polisiya ang mga sasabihin nito na maaaring makaapekto sa mga susunod na hakbang ng gobyerno sa isyu sa West Philippine Sea.

Nakalimutan aniya nitong siya ang Presidente nang hamunin si Carpio dahil sa inis at init ng ulo nito sa dating mahistrado.

“Ang problema lang kasi dito is nakalimutan ko na si Carpio ang hindi ang Presidente, ako. Ang debate ko sa iyo dito lang sa dalawa. Hindi ako takot sa iyo. Ang problema hindi ko nga alam na hindi ka presidente. That’s about it,” anang Pangulo.

Binigyang-diin ng Presidente na hindi siya takot sa debate dahil halos araw-araw ay nagawa niya ito noong panahon ng eleksiyon.

“It’s not because I am afraid of debates. Ilang debate na dinaanan ko noong eleksyon, araw-araw halos,” dagdag ng Pangulo.

Dalawang bagay lamang aniya ang dapat na sagutin nina Carpio at dating Foreign Affairs Secretary Albert del Rosario sa isyu sa West Philippine Sea na nililihis at pilit ipinapasa sa kanya.

“Sino ang nagbigay ng possession sa China sa West Philippine Sea? Sila, kay kung hindi sila umalis, di walang problema,” wika ng Pangulo.

The post Duterte kay Carpio: Hindi ako takot sa’yo! first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/duterte-kay-carpio-hindi-ako-takot-sayo/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=duterte-kay-carpio-hindi-ako-takot-sayo)