Dismayado at ikinagulat ni Pangulong Rodrigo Duterte ang ulat ng mga patayan sa Negros Oriental.

Ito ang inihayag ni Presidential Spokesman Harry Roque matapos ang pagdalo ng Pangulo sa Regional Peace and Order Council sa Region 7 na ginanap sa Dumaguete City nitong Lunes.

Sinabi aniya ng Pangulo na iimbestigahan, lilitisin at paparusahan ang mga nasa likod ng mga patayan na ang mga biktima ay mga inosenteng mamamayan.

“Nagparating ng mensahe ang ating Presidente that he is appaled sa mga patayan na nangyayari sa Negros Oriental. Ang sabi ng Presidente ay he will be completely neutral pero gagampanan ng estado ang kanyang obligasyon na imbestigahan, litisin at parusahan ang mga taong pumapatay sa Negros Oriental,” ani Roque.

Matatandaang noong 2020 ay sunod-sunod ang mga pagpatay sa Negros island at kabilang sa mga biktima ay isang doktor at dalawang kasamahan na umano’y red -tagged ng mga awtoridad.

Sinabi ni Roque na nais ni Pangulong Duterte na matigil ang mga patayan sa lipunan sa pamamagitan ng pagpataw ng parusa sa mga pumapatay.

Sinabi ng kalihim na nangako ang Presidente na magkakaroon ng population protection pagsapit ng Nobyembre at hanggang sa katapusan ng taon para mapairal aniya ang karapatang mabuhay.

Gayunman hindi nagbigay ng dagdag na detalye si Roque hinggil sa binanggit na population protection.

“Ito ang dahilan kung bakit nangako ang Presidente na magkakaroon ng population protection by November 27 sa Metro Manila and sa buong bansa by the end of the year. Ano po ang dahilan? Dahil pinakaimportante sa ating Presidente ang karapatang mabuhay,” dagdag ni Roque.

The post Duterte kinondena serye ng patayan sa Negros Oriental first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/duterte-kinondena-serye-ng-patayan-sa-negros-oriental/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=duterte-kinondena-serye-ng-patayan-sa-negros-oriental)