Nananatiling misteryo kay Pangulong Rodrigo Duterte kung bakit si dating senador Antonio Trillanes IV ang pinili ni dating Pangulong Benigno Aquino III na makipag-usap sa China sa pamamagitan ng back channel talks sa isyu sa West Philippine Sea.

Ito ang inihayag ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang Talk to the People matapos banggitin ni dating Senate President Juan Ponce Enrile ang partisipasyon ni Trillanes sa negosasyon sa isyu sa West Philippine Sea.

Sinabi ng Pangulo na hindi niya minamaliit ang militar subalit nagtataka ito kung bakit isang dating militar ang kinuha ng dating Pangulo para makipagnegosasyon sa China.

“I do not demean or belittle our Armed Forces. And akin lang sir, it is really a wonder to me why, of course it’s only President Aquino who can answer this why he chose a military man to do the backchanneling?,” anang Pangulo.

At lalo aniyang nadagdagan ang pagtataka ni Pangulong Duterte  dahil itinago sa publiko ang negosasyon ni Trillanes sa China kaugnay sa isyu sa West Philippine Sea.

” The problem is it was so secretive almost sub rosa type of negotiation that was kept secret,” dagdag ng Pangulo.

Hanggang ngayon ayon sa Presidente ay malaking kuwestiyon dahil walang nakaalam kung ano ang naging resulta ng negosasyon ni Trillanes sa China dahil sa kabila ng pakikipag-usap ay nawalan ng teritoryo ang Pilipinas sa West Philippine Sea.

“Yung tataguan mo sir, anong developments doon and this is really my sixty four dollar question to everybody,” wika ng Pangulo.

The post Duterte nagtaka kung bakit tinapik si Trillanes sa negosasyon sa China first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/duterte-nagtaka-kung-bakit-tinapik-si-trillanes-sa-negosasyon-sa-china/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=duterte-nagtaka-kung-bakit-tinapik-si-trillanes-sa-negosasyon-sa-china)