Pinakakansela ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga aktibidad sa selebrasyon ng mga kapistahan ngayong buwan ng Mayo sa buong bansa.

Sa kanyang Talk to the People noong Huwebes ng gabi, sinabi ng Pangulo na mayroon pang pandemya kaya wala na munang mga selebrasyon para matiyak ang kaligtasan ng lahat ng mamamayan laban sa COVID-19.

“Sinasabi ko lang na Mayo maraming fiesta. So ang hinihingi ko is that you only not tone down but forgo kasi may batas. Forgo to congregate, to crowd and to hold,” anang Pangulo.

Batid ng Presidente na mayorya ng mga mamamayan ay Katoliko pero alam aniya ng Diyos na mahal siya ng mga Pilipino.

Sinabi ni Pangulong Duterte na matindi ang problema sa COVID-19 at ayaw niyang anihin ng mga tao ang peligro kaya wala munang selebrasyon dahil walang nakakaalam kung  hanggang kailan matatapos ang pandemya.

“Alam ng Diyos na love natin siya pero ang problema ang –the unnecessary consequence of it all. So be mindful of that because we are still in the pandemic and there is no way of knowing how long would this last in this planet,” dagdag ng Pangulo.

Sinabi ng Presidente na mananagot ang mga lokal na opisyal na lalabag sa guidelines ng Inter-Agency Task Force.

Dapat aniyang ipatupad ang batas kung nais na makahulagpos sa epekto ng COVID-19.

“I will not allow the violations of the guidelines given by the Task Force. And I will hold the local governments down to the last barangay level. I will hold you responsible for any violation sa mga batas na hindi natutupad,” dagdag pa ng Pangulo.

The post Duterte: Piyesta sa Mayo awat muna first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/duterte-piyesta-sa-mayo-awat-muna/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=duterte-piyesta-sa-mayo-awat-muna)