Giniit ni Pangulong Rodrigo Duterte na hindi maaaring pumili ng brand ng bakuna ang mga Pilipino.

Paliwanag ng Pangulo, pare-parehong epektibo ang kahit anong bakuna na aprubado ng mga health official sa bansa.

“There will be no discrimination at saka hindi kayo makapili kung ano ang bakuna. Pareho lahat ‘yan. ‘Di kayo makasabi [Astra]Zeneca sa akin, Moderna–no,” saad ng Pangulo sa kanyang ‘Talk to the People’ nitong Lunes.

“Kung ano ang nasa harap ninyo, ‘yon na. Do not ask for a special kind of–kasi bulto por bulto ‘yan ibigay,” aniya pa.

Sambit pa ni Duterte, kahit mga mayayamang Pilipino ay hindi rin makapipili ng vaccine brand, dahil aniya karamihan ng may kaya ay naghihintay ng Pfizer o Moderna.

“Sabi ko hindi mangyari ‘yan. You cannot have–kung anong nasa harap n’yo, que milyonaryo ka o ano, iyon na ‘yong iyo. Hindi ka mamili,” ayon sa Pangulo.

Inutusan ni Duterte si vaccine czar Carlito Galvez Jr. na maging ‘blind eye’ sa pamamahagi ng bakuna.

“Ayaw kong magkaroon ng istorya na may pinapapaboran kami na ito, ito. Wala. Maski saang subdivision ka na mayaman o anong lugar dito sa North Harbor, pareho kayo lahat. Hindi ako papayag na magpili-pili.”

The post Duterte sa mga Pinoy: Kahit milyonaryo, bawal mamili ng bakuna! first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/duterte-sa-mga-pinoy-kahit-milyonaryo-bawal-mamili-ng-bakuna/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=duterte-sa-mga-pinoy-kahit-milyonaryo-bawal-mamili-ng-bakuna)