Walang aasahan sa Amerika sa panahon ng kagipitan kahit pa mayroong umiiral na Mutual Defense Treaty.

Ito ang inihayag ni dating Senate President Juan Ponce Enrile sa Talk to the People ni Pangulong Rodrigo Duterte sa MalacaƱang noong Lunes ng gabi.

Ikinuwento ni Enrile na noong siya ang dating Defense Secretary ni dating Pangulong Ferdinand Marcos ay humingi sila ng tulong sa Amerika para sa 2,500 na armalite panlaban sa mga nanggugulo noon sa Luzon at Mindanao subalit pinagkaitan sila ng Estados Unidos.

Ang tanging baril lamang aniya noon ng Hukbong Sandatahan ay mga Carbine at Garand kaya kinausap nila ni dating Pangulo Marcos ang isang mataas na opisyal ng US Armed Forces sa Clark Field, Pampanga pero hindi sila pinagbigyan.

“Ang sabi sa akin, ‘Low priority kayo sapagkat kailangan namin ang baril sa Vietnam. Sabi naman, mayroon kaming problema ito eh, kailangan namin ang ipinangako ninyo’. Sa madaling salita po, hindi kami nakakuha,” ani Enrile.

Doon aniya napagtanto ng dating senador na gamitin ang Mutual Defense Treaty para makabili ng armas sa pamamagitan ng paniningil ng renta sa mga base militar Amerika sa Pilipinas.

“Dahil sa karanasan na yon, iminungkahi ko kay Presidente Marcos, kung ganito ang trato sa atin ng Amerika,  nandito ang base militar nila, may kasunduan tayo under the Mutual Defense Treaty, hindi tayo natutulungan sa 2,500 armalites, mabuti pa bumili na rin tayo ng baril natin, pagbayarin natin sila ng renta sa base militar nila at yun ang pambili natin,” dagdag ni Enrile.

Ang Singapore aniya at Taiwan ang sumaklolo sa kailangang mga armas ng bansa at bilang kapalit ay pinayagan ng Marcos administration na magtatag ng kanilang squadron sa Clark para sa training purposes.

Sinabi ni Enrile na kung aasa ngayon sa tulong ng Amerika ay walang aasahan dahil marami sila problema gaya ng problema sa Gaza at Israel at Palestine. 

The post Enrile: Amerika hindi maaasahan sa panahon ng kagipitan! first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/enrile-amerika-hindi-maaasahan-sa-panahon-ng-kagipitan/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=enrile-amerika-hindi-maaasahan-sa-panahon-ng-kagipitan)