Inimbitahan ni Pangulong Rodrigo Duterte si dating Senate President Juan Ponce Enrile na dumalo sa kanyang Talk to the People sa Lunes, May 17 para talakayin ang isyu sa West Philippine Sea (WPS).

Sinabi ng Pangulo na malawak ang kaalaman at karanasan ni Enrile sa isyu ng WPS at bilib ito sa pag-intindi sa nabanggit na usapin.

“We have respectfully invited Senator Enrile to come here, pakinggan natin siya. Hindi ako magsasalita, makikinig lang ako sa kanya kasi siya yung, he was there right at the beginning. So sa kanya ako makikinig, kasi sa kanya ako bilib sa utak at pag-intindi nitong problema, itong ating West Philippine Sea,” anang Pangulo.

Umaasa ang Presidente na tatanggapin ni Enrile ang kanyang imbitasyon para maging resource person sa Lunes sa usapin sa West Philippine Sea.

Sinabi pa ng Presidente na isa si Enrile sa mga tao na nirerespeto nito dahil sa kanyang talino at malawak na karanasan sa serbisyo publiko.

“I hope that Senator Enrile would accept the invitation to be our guest here, Monday kasi more or less, isa siya sa mga tao na nirerespeto ko talaga,” dagdag ng Pangulo.

Matatandaang si Enrile ang nagkompronta kay dating senador Antonio Trillanes IV sa plenaryo ng Senado kaugnay sa 13 beses nitong pagpunta sa China sa pamamagitan ng backdoor channel kaugnay umano sa mga pinag-aagawang teritoryo sa WPS.

The post Enrile inimbitahan sa Malacañang first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/enrile-inimbitahan-sa-malacanang/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=enrile-inimbitahan-sa-malacanang)